CAGAYAN, Philippines – Arestado ang isang Sangguniang Kabataan o SK member na hinihinalaang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng mga kapulisan sa Barangay 2, Enrile, Cagayan.
Sa pinaigting na kampayan sa illegal drugs ni PMaj. Harold Ocfemia, hepe ng Enrile Police Station ay nahulog sa kanilang bitag ang suspek na si alyas Carlo, 23 anyos, residente ng Enrile, Cagayan.
Dakong 2:20 ng hapon nang bentahan ni alyas Carlo ang nagpanggapa na poseur buyer ng isang maliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalaang shabu.
Narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang tinatayang 2 gramo ng pinaniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P13,600.00, buy-bust na isang piraso na tunay na P1,000.00 at labing-isang piraso ng boodle money na tig- P1,000.00 at 1 yunit ng Oppo Reno cellphone.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsamang operatiba mula sa Regional Drug Enforcement Unit 2 (RDEU2) bilang lead unit, katuwang ang Enrile Police Station, Regional Intelligence Division (RID), Provincial Intelligence Unit / Provincial Drug Enforcement Unit (PIU/PDEU) – CPPO, Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 201st at 202nd Company, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cagayan.
Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang SK Kagawad na nahaharap sa kasong R. A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (REY VELASCO)