MANILA, Philippines – Patay ang isang kagawad ng Sangguniang Kabataan, gayundin ang kapatid niyang babae habang nasa malubha ang isa pa nilang kasama matapos salpukin ng dalawang truck ang sinasakyan nilang traysikel sa Bypass Road ng Barangay La Torre sa Talavera, Nueva Ecija kahapon ng tanghali.
Dead-on-the-spot ang driver ng tricycle na si Eduardo Dasalla, Jr., 21, SK kagawad, at ang sakay na kapatid na si Michaela Mae Dasalla, 22, kapwa residente ng Brgy. Lomboy, Bautista, Pangasinan.
Huling iniulat na nasa malubha pa rin sa Talavera General Hospital ang kasama nila na si Romnick De Guzman, 37, residente ng Brgy. Imelda, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sakay sa tricycle ang tatlong biktima at binabaybay ang Bypass Road patungong east direction, kasunod ang isang 10-wheeler wing van na minamaneho ng isang 58-anyos na lalaking residente ng Parada, Valenzuela City.
Pagdating sa lugar ay biglang nahagip ng wing van ang tricycle na naging dahilan para kainin naman nito ang kabilang linya ng kalsada.
Sakto namang dumarating ang pasalubong na trailer truck, may plakang CAZ2680, na minamaneho ng 49-anyos na lalaking residente ng Brgy. Villaluz, Benito Soliven, Isabela, kaya sinalpok ang traysikel.
Sa lakas ng impact, nawasak ang traysikel at humiwalay ang sidecar nito sa motorsiklo.
Tumilapon ang mga biktima mula sa traysikel at umilalim pa sa trailer truck ang biktimang si Michaela. Namatay agad ang magkapatid.
Agad namang naaresto at nakadetine na sa Talavera Police Station ang driver ng 10-wheeler wing van at ng trailer truck. Mahaharap sila sa mga kasong reckless imprudence resulting in double homicide, physical injury with damage to property.
Shock pa ang pamilya ng mga biktima kaya hindi pa makapagbigay ng pahayag sa media. Nabatid na magtatapos na sana ng Bachelor of Science in Criminology si Eduardo Jr., habang Bachelor of Science in Secondary Education naman si Michaela. Marina G. Bernardino