Home NATIONWIDE SK pinatutulong ng PNP tugunan karahasan sa kabataan

SK pinatutulong ng PNP tugunan karahasan sa kabataan

1
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na makipagtulungan sa lokal na pulisya upang maagap na matukoy ang mga problemang maaaring mauwi sa karahasan sa mga komunidad.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., malapit ang ugnayan ng SK sa mga estudyante at iba pang kabataan kaya maaari silang makatulong sa pag-report ng mga nakababahalang pagbabago sa kilos o iba pang “early warning signs.”

Kasunod ito ng pakikialam ng PNP sa magkahiwalay na insidente ng umano’y nakababahalang social media posts ng dalawang estudyanteng edad 13 at 18. Nakipag-ugnayan ang Women and Children Protection Desk at mga counselor ng local government sa 13-anyos at kanyang mga guardian.

Inatasan din ang mga police unit na palawakin ang pakikipagtulungan sa SK sa mga programang nakatuon sa sports, leadership at anti-violence initiatives.

Kasabay nito, pinaigting ng National Capital Region Police Office ang cyberpatrolling laban sa mga indibidwal o grupong umano’y nanggo-groom o nagmamanipula ng mga bata online. Nauna nang iniulat ng PNP na dalawang website na iniuugnay sa violent content at grooming ng minors ang ipina-block sa National Telecommunications Commission.

Samantala, sinabi ng PNP na dalawang magkapatid na edad 26 at 18 ang natukoy at sinampahan ng kaso kaugnay ng anonymous bomb at safety threats laban sa mga paaralan sa Lipa City, Batangas. Ayon sa pulisya, natunton ang mga ito matapos kumuha ng warrant para sa pag-search at pagsusuri ng computer data.

Hinimok ni Nartatez ang mga magulang at miyembro ng komunidad na agad lumapit sa pulisya o lokal na opisyal kapag may napansing seryosong pagbabago sa kilos ng isang kabataan upang magkaroon ng maagang intervention. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here