NOONG nakaraang linggo, nailathala na sa column na ito ang pagiging malupit ng Philippine Long Distance Telephone Company lalo na sa paniningil sa kanilang kliyente.
Naputulan ng service ng PLDT ang inyong lingkod noong July 14 dahil nakalimutang bayaran sapagkat July 12 pa nga lang ay umuwi ng Batangas dahil sa hindi inaasahang pangyayari at kailangang manatili roon hanggang nitong July 21. Gayunman, pagkaputol ng PLDT ng kanilang serbisyo, kaagad na binayaran ng PAKUROT ang kailangang bayaran. Hindi ito umabot ng dalawang oras. Agad-agad ay binayaran. Kaya naman nagpadala ng mensahe itong telephone company na kaagad nilang ibabalik ang pinutol na serbisyo.
Subalit nakalipas na ang ilang araw, hindi pa rin naibabalik ng PLDT ang kanilang serbisyo. Dahil hindi mamonitor ang mga ganap sa aking bahay gamit ang CCTV, bumalik ako ng Maynila upang ayusin at i-report ang kawalan ng serbisyo sa internet. Nagagamit kasi ang telepono na mismong ipinantawag sa PLDT para ireport ang kawalan ng silbi dahil nga walang internet na magpapagana upang makita sa pamamagitan ng CCTV ang kaganapan sa loob at labas ng aking tahanan.
Nakailang report na ang ginawa ng inyong lingkod sa PLDT subalit ang laging sagot nang nakatatanggap ng reklamo ay irereport din nila upang ma-trouble shoot. Kinuha pa ang mobile number at email address ng inyong lingkod para tawagan o padalhan ng mensahe kapag naiayos na nila ang problemang aking inireport. Pero nakalipas ang ilang araw, hindi pa rin naaayos ang serbisyo at walang tawag o mensahe silang ipinadala.
Nakaiinis na kapag oras ng singilan, mabilis magpadala ng mensahe ang PLDT bukod pa sa napakalupit nila kapag na-late ang bayad. Pero hindi nila kinakaltas ang araw na wala silang serbisyo sa mga lugar na sinasabi nilang may upgrading silang ginagawa kaya mahina o kaya ay walang serbisyo sila ng internet o wifi.
O di ba, hindi pangit ang serbisyo ng PLDT? Sobrang pangit! Ano bang internet service ang maganda? Lipat na lang doon.






