MANILA, Philippines – Inaprubahan ng isang panel ng House of Representatives ang panukalang batas na tuluyang magbabawal sa paggamit ng social media ng mga batang wala pang 13 taong gulang at maglalagay ng mga restriksyon sa mga edad 13 hanggang 18 upang maprotektahan sila sa mapanganib na content online.
Sa pagdinig ng House committee on welfare of children, iniharap ni Pasig City Rep. Roman Romulo ang substitute bill para sa 10 panukala. Ayon sa kanya, layunin ng ban sa mga batang wala pang 13 na malimitahan ang kanilang screen time.
“Basically, the bill now will be a ban for all social media platforms for those under 13, and the reason for them is what we want is for them not to have screen time,” ani Romulo.
Para naman sa edad 13 hanggang 18, ipagbabawal ang ilang feature gaya ng short videos, chat groups at harmful content.
“For those 13 to below 18 years of age, we will have a ban on features, what features will be banned, first of all, harmful content which is defined in the law, these are topics revolving on violence, sexual, and similar topics,” paliwanag niya.
Dagdag niya, “Scrolling shorts will be banned, and also chat groups will now be banned. So if you’re 13 below 18, you cannot join chat groups, you would have no other form of communication, so that is where we are headed,”
Aminado si Romulo na iba ang bersyon ng House sa panukalang inaprubahan ng Senado. Sa Senate Bill No. 2424 o Child Online Safety and Protection Act, 16 taong gulang ang iminungkahing minimum age para gumamit ng social media. Maaari umanong pag-usapan ang pagkakaiba sa bicameral conference committee kung maaprubahan ang parehong panukala.
Kasama rin sa House version ang requirement na magkaroon ng “Philippine presence” ang mga social media platform upang maaari silang managot sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
“We’ve also required all platforms to register a Philippine presence. If you are to be accessed by any individual, corporation in the Philippines, you must be registered in the Philippines. And there’s a reason for that, is, kung wala tayong jurisdiction over that entity, parang very hollow ‘yong authority natin over the platforms,” ani Romulo.
“So we want them, if you can be accessed in the Philippines, you have to be registered in the Philippines,” dagdag niya.
Hindi muna isinama ng technical working group ang limitasyon sa screen time ng adolescents dahil nais nitong pagdesisyunan ito ng buong House sa plenary deliberations, kasama ang usapin ng parental consent.
Lumakas ang panawagan para sa social media restrictions matapos ang mga shooting sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, kung saan tatlong estudyante ang namatay, at sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18, kung saan dalawang tao, kabilang ang gunman, ang nasawi.
Sinisilip ng mga awtoridad ang posibilidad na may kaugnayan ang mga insidente sa exposure sa violent content online o pagsali sa mga grupong may nihilistic violent extremist (NVE) behavior.
Noong Agosto 28, sinabi ni Senator Risa Hontiveros na nangako ang Meta, may-ari ng Facebook, Instagram at Threads, na magbibigay sa mga awtoridad ng mahalagang impormasyon kapag may nakita itong posibleng banta sa mga bata.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na walang agarang pangangailangang ipagbawal ang Facebook sa bansa matapos magpakita ang Meta ng kahandaang tumugon sa mga kahilingan ng gobyerno para alisin ang fake news at violent content. Gayunman, maaari pa ring higpitan ang access sa ibang social media at online gaming platforms kung hindi nila mapipigilan ang mapanganib na content, misinformation at disinformation. RNT/MDS