Home HOME BANNER STORY Socmed campaigning bawal pa – Comelec

Socmed campaigning bawal pa – Comelec

MANILA, Philippines – Mahigpit na ipinagbabawal sa mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na i-promote ang kanilang sarili sa social media hanggang sa magsimula ang campaign period, sabi ng Commission on Elections (Comelec).

Ipinaalala ni Comelec Chairperson George Garcia ang mga kandidato tungkol sa Section 80 ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa mga kampanya sa halalan o partisan political activity sa labas ng itinalagang panahon.

Ayon pa kay Garcia, kinakailangan ding tanggalin ang lahat na social media posts kahit walang nakalagay na ‘vote for’.

Mahaharap aniya sa disqualification at criminal charges ang mga lalabag.

“Mas maganda po sa mga magkakalaban, bantayan na lang po, bantayan niyo ‘yung kalaban niyo and file for disqualification, and the Comelec will act accordingly,” dagdag niya.

Hanggang alas-10 ng umaga noong Sabado, may kabuuang 1,181,404 na indibidwal sa buong bansa ang naghain ng kanilang kandidatura para sa 672,016 na puwesto para makuha sa BSKE noong Oktubre 30, batay sa datos ng Comelec.

Sinabi ni Garcia na inaasahan nila ang nasa dalawang milyong COC filers.

Dahil sa sama ng panahon, sinuspinde ng Comelec ang paghahain ng certificates of candidacy sa National Capital Region noong Huwebes. Nagpatuloy ito noong Sabado, Setyembre 2, at magpapatuloy hanggang Lunes, Setyembre 4.

Sinabi rin ng poll body na ang paghahain ng COC sa lalawigan ng Abra ay ipinagpatuloy noong Biyernes at tatagal hanggang Lunes.

Ang paghahain ng COCs sa Ilocos Norte ay pinalawig hanggang ngayong Sept. 3. Jocelyn Tabangcura-Domenden