Home NATIONWIDE SoKor naalarma sa banggaan ng barko ng Tsina, Pinas

SoKor naalarma sa banggaan ng barko ng Tsina, Pinas

MANILA, Philippines- Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Korean Embassy sa pinakabagong insidente ng banggaan sa pagitan ng mga barko ng Pilipinas at Tsina sa South China Sea.

“The ROK (Republic of Korea) Embassy in the Philippines is deeply concerned about the dangerous situation caused by collision between the Chinese and the Philippine vessels and use of water cannons against the Philippine vessels in the South China Sea,” ang sinabi ng Korean Embassy in Manila sa X (dating Twitter).

“The situation threatens the safety of crew members and raises tensions in the concerned waters,” dagdag na pahayag nito.

Tinukoy pa rin ng embahada na ang “peace, stability and rules-based order in the South China Sea must be followed, including freedom of navigation and overflight according to the principles of international law, including UNCLOS.”

Iniulat ng Philippine Coast Guard nitong Martes na isang barko nito – ang BRP Sindangan – ang sinadya umanong banggain ng barko ng China Coast Guard upang maharang umano ito habang nagsasagawa ng resupply mission sa military outpost ng PH na BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Sinabi ni PCG spokerperson for the EPS Commodore Jay Tarriela, bunsod ng naturang insidente ay naharap ang barko ng PCG sa mga mapanganib na maniobra at pagharang ng Chinese Coast Guard vessels at Chinese maritime militia.

Dagdag pa niya, ang reckless at illegal actions ng Chinese vessels ay humantong sa banggaan ng BRP Sindangan at China Coast Guard 21555 na nagresulta sa minor structural damage sa barko ng Pilipinas.

Sinabi naman ng CCG na nagsagawa umano ito ng control measures laban sa barko ng Pilipinas na ilegal umanong pumasok sa katubigan malapit sa pinagtatalunang Ayungin shoal o Second Thomas shoal.

Una na ngang idineploy ng PCG ang BRP Cabra at BRP Sindangan para suportahan ang rotation at reprovisioning ng mga tropa ng militar sa naturang karagatan.

Gayundin, una nang sinabi ng militar na magdadala ito ng mga suplay para sa mga tropang nakaistasyon sa BRP Sierra Madre.

Samantala, maging ang mga bansang Japan at Australia ay sumama na rin sa Estados Unidos at European Union sa pagtutol sa pinakabagong agresibong aksyon ng Tsina. Kris Jose

Previous articleComelec: Wala pang bidder para sa overseas online voting system
Next articlePNP, DOH sanib-pwersa vs illegal sale ng vape sa mga kabataan