SEOUL- Nadakip si impeached South Korean President Yoon Suk Yeol nitong Miyerkules kasunod ng kanyang pumalyang martial law bid, matapos salakayin ng daan-daang anti-graft investigators at kapulisan ang kanyang tahanan.
Si Yoon, nahaharap sa kasong insurrection sa kanyang maiksing pagpapairal ng martial noong nakaraang buwan, ay ang kauna-unahang nakaupong presidente na naaresto sa kasaysayan ng bansa.
Posibleng maharap si Yoon sa death penalty o habambuhay na pagkakabilanggo sakaling mahatulang guilty sa insurrection.
Sa loob ng ilang linggo ay naging mailap siya at hindi naaresto dahil sa pananatili sa kanyang residential compound, protektado ng mga miyembro ng Presidential Security Service (PSS) na nanatiling tapat sa kanya.
Pumalya ang unang pagtatangka na arestuhin si Yoon noong January 3.
Kasunod nito ay ipinangako niya ang “fight to the end.”
Subalit, nitong Miyerkules, daan-daang pulis at mga imbestigador mula sa Corruption Investigation Office ang muling nagtungo sa kanyang tahanan, ilan sa kanila ang umakyat na sa perimeter walls upang makarating sa main building.
Makalipas ang ilang oras, inanunsyo ng mga awtoridad na nadakip na si Yoon at nagpalabas ang impeached leader ng isang pre-recorded video message.
“I decided to respond to the Corruption Investigation Office,” mensahe ni Yoon, idinagdag na hindi niya tinanggap ang legalidad ng imbestigasyon subalit tumalima na lamang siya “to prevent any unfortunate bloodshed.”
Nilisan ni Yoon ang kanyang tahanan sa convoy at dinala sa opisina ng Corruption Investigation Office.
Matatandaang nagdeklara si Yoon noong December 3 ng martial law, iginiit na kailangan niyang protektahan ang South Korea “from the threats posed by North Korea’s communist forces and eliminate anti-state elements”.
Subalit, kinontra ito ng mga mambabatas, dahilan upang ipawalang-bisa niya ang martial law makalipas lamang ang anim na oras.
“The arrest of Yoon Suk Yeol is the first step toward restoring constitutional order, democracy and the rule of law,” pahayag ni floor leader Park Chan-dae sa South Korea’s opposition Democratic Party meeting. RNT/SA