MANILA, Philippines — Tinitingnan ng PLDT Inc. ang posibilidad na palawakin ang negosyo nito sa larangan ng solar energy, bilang bahagi ng pagsusumikap na pagsamahin ang high-speed internet services at renewable energy solutions para sa mga kabahayan.
Sa isang pahayag, sinabi ng telco giant na layunin ng plano na magbigay ng kombinasyon ng internet connectivity at solar power installation sa iisang serbisyo para sa mga customer.
“If people can have solar panels installed together with internet in one go, it should be very compelling for our customers, especially the ones who wish to future-proof their homes,” ani PLDT chief operating officer Butch Jimenez.
“Aside from enabling our customers to upgrade their homes in the most convenient possible way, this also helps PLDT own the whole home, and not just the internet portion,” dagdag ni PLDT Home head John Palanca.
Ayon sa kumpanya, ang initial test marketing para sa bagong product offering ay nagpakita ng “highly promising results.”
Nakikipag-partner ang PLDT sa isang pangunahing solar energy firm para sa proyekto, ngunit hindi pa inilalabas ang kumpletong detalye ng collaboration.
Sinabi rin ng kumpanya na patuloy na nakatulong ang enterprise business unit at Maya sa paglago ng PLDT sa kabila ng global uncertainties sa unang quarter ng taon.
Ang PLDT ay bahagi ng MVP Group of Companies na pinamumunuan ni tycoon Manuel V. Pangilinan. Kabilang din sa grupo ang Meralco PowerGen Corp, na may mga investment sa solar power generation. Dave Baluyot