Home NATIONWIDE Solar-powered irrigation itinutulak ni PBBM sa gitna ng El Niño

Solar-powered irrigation itinutulak ni PBBM sa gitna ng El Niño

MANILA, Philippines- Iginiit ang pangangailangan sa madaling pagkilos para maghanda para sa epekto ng El Niño phenomenon.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kinokonsidera niya ang paglalagay ng libo-libong solar-powered irrigation units para matulungan ang mga magsasaka na palakasin ang kanilang ani.

Binigyang-diin ng Chief Executive ang pagtutulak para sa solar-powered irrigation sa kanyang naging talumpati sa ceremonial palay harvesting at distribusyon ng iba’t ibang tulong sa mga magsasaka at kooperatiba sa Mandili National High School, Brgy. Mandili, Candaba, Pampanga.

Ayon sa Pangulo, tinalakay niya ang inisyatiba kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kasunod ng kanilang kamakailan lamang na pagbisita sa Vietnam, na naging matagumpay sa paggamit ng solar technology sa agrikultura.

Ang Vietnam ang “top exporter” ng bigas sa Pilipinas.

“Ngayong taon, palalawakin din natin ang patubig para sa mga sakahan sa pamamagitan ng … Philippine Solar Irrigation Project na mga small-scale irrigation projects upang mapataas ang produksyon at kita ng ating mga magsasaka,” ayon sa Pangulo.

Ang bawat unit aniya ay may kakayahan na magserbisyo sa 20 ektarya ng lupang sakahan sa pamamagitan ng pagbibigay ng “power requirements” sa irrigation pumps.

“Libu-libo itong aming pinaplano na ilalagay at iniisip na nga namin kung papaano sa budget, kung saan kukunin,” ang sinabi ng Pangulo.

Sa oras na makumpleto na, tinuran ng Chief Executive na target ng Philippine Solar Irrigation Project na magdagdag ng 180,000 ektarya ng “irrigable land” at pahintulutan ang tinatawag na “third cropping.”

Matatandaang sinabi ni Laurel na ang said solar-powered irrigation ay kabilang sa hakbang na natukoy para pagaanin ang epekto ng El Niño phenomenon.

Winika pa ni Laurel na magpapatupad ang Department of Agriculture (DA) ng interbensyon, kasama ang paglikha ng mas maraming water impounding areas at pasilidad, base sa dalawang Cabinet meetings kasama ang Pangulo noong nakaraang Disyembre. Kris Jose