MANILA, Philippines- Kailangan nang sibakin ni Pangulong Bongbong Marcos bilang Solicitor General si Menardo Guevarra matapos ito tumangging maging kinatawan ng pamahalaan sa petition for habeas corpuz na isinampa sa Supreme Court ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang opinyon ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio matapos maghain ng manifestation of recusal ang Office of the Solicitor General sa Supreme Court.
Ang inihain aniya ni Guevarra ay taliwas sa posisyon ng Philippine Government na ang pag-aresto kay Duterte at batay sa RA 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity.
Iginiit ni Carpio na maaring sibakin ng Pangulo ang isa nitong opisyal kung wala na siyang kumpiyansa rito.
Mistula aniyang inabandona ng SolGen ang kanyang kliyente at sinasabing mali ang ginawa ng gobyerno.
Magugunita na sa kanyang manifestation, nanindigan si Guevarra na hindi kinikilala ng Philippine government ang ICC dahil sa pagkalas ng bansa sa Rome Statute noong 2019.
Dagdag ni Carpio, maaaring gamitin ng kampo ni Duterte ang manifestation ni Guevarra para umano maghasik ng intriga laban sa administrasyon.
Sa ilalim ng mandato nito, ang Office of the Solicitor General ang kumakatawan sa gobyerno ng Pilipinas, sa mga ahensya nito at iba pang instrumentalities at mga opisyal nito sa anumang paglilitis, pagdinig, at imbestigasyon na nangangailangan ng serbisyo ng abogado.
Pinapayagan naman aniya na mag-recuse ang isang abogado kung hindi ito naniniwala na maipagtatanggol ang kanyang kliyente.
Gayunman, ang sariling boss ng Solicitor General na ang Presidente ang nagdesisyon na na dapat isuko sa ICC si Duterte. Teresa Tavares