MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang P32.7 milyong halaga ng umano’y smuggled na sigarilyo sa North Harbor, Maynila matapos inspeksyunin ang dalawang hindi deklaradong container. Noong Marso 14, 2025, natuklasan ang 83 kahon ng sigarilyo sa ikalawang container sa Pier 14.
Ayon kay PCG Manila Station Commander Captain Vincent Laca, may natanggap silang ulat na may smuggled na sigarilyong inilipat mula Zamboanga patungong Maynila gamit ang passenger-cargo vessel. Dahil hindi idineklara ang kargamento, agad na nagsagawa ng inspeksyon ang mga ahensya.
Noong Marso 5, natagpuan sa unang container ang 80 kahon ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P15.8 milyon. Sa pangalawang container naman, nakita ang 16,900 rims na tinatayang nagkakahalaga ng halos P17 milyon. Natukoy rin ng Bureau of Customs, National Bureau of Investigation, at Philippine Tobacco Institute na kulang ito sa tax stamp, graphic health warning, at impormasyon ng manufacturer.
Selyado na ang ikalawang container para sa imbentaryo at masusing imbestigasyon.
Inaalam ng Bureau of Customs ang mga posibleng sangkot sa smuggling, na maaaring lumabag sa batas ng adwana at falsification of documents. Ito ang unang beses ngayong 2025 na nakasabat ang PCG ng smuggled na sigarilyo sa Maynila, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang tatanggap ng kargamento.
Nangako ang mga awtoridad na paiigtingin ang seguridad sa karagatan upang labanan ang ilegal na kalakalan. RNT