MANILA, Philippines- Hindi hiningi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibitiw sa puwesto ni Solicitor General Menardo Guevarra.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nagawa niyang makausap ang Pangulo sa bagay na ito at ang sinabi lamang aniya ng Pangulo sa kanya na: “Hindi ko hinihingi ang pagreresign niya.”
Marami kasi ang nadismaya sa ginawang pagtanggi ni Guevarra na maging kinatawan ng gobyerno sa petitions for habeas corpus na isinampa sa korte suprema ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kaya nga ani Castro ay nananatili ang tiwala ng Pangulo kay SolGen Guevarra.
Samantala, dahil sa pagtanggi ni Guevarra na maging kinatawan ng gobyerno ay sinalo naman ng Department of Justice na tumayo at naging Legal Counsel ng pamahalaan laban sa mga inihaing petition for habeas corpus ng mga anak ni dating Pangulong Duterte sa Korte Suprema.
Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na naisumite na nila ang mga komento sa petisyon matapos makakuha ng ‘go signal’ mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ito ay matapos tumanggi si Solicitor General Menardo Guevarra na maging kinatawan ng gobyerno sa mga pestisyon nina Veronica “Kitty” Duterte, Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, at Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte.
Hindi naman idinetalye ng kalihim ang arguments na inihain sa korte. Kris Jose