Home NATIONWIDE Remulla: Pinas ‘di kailanman nakipag-usap sa ICC sa pagkakaaresto ni Digong

Remulla: Pinas ‘di kailanman nakipag-usap sa ICC sa pagkakaaresto ni Digong

(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi kailanman nakipag-usap ang pamahalaan ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), na naglabas ng warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagdinig ng Senado na pinangunahan ni Senador Imee Marcos, binigyang-diin ni Remulla na dahil hindi na kasapi ang Pilipinas sa ICC, anumang ugnayan sa korte ay nananatiling “arms-length.”

“We are not members of the ICC. So whatever relationship with the ICC is on an arms-length basis if we have to talk to them but we have never spoken to them,” ani Remulla.

“We’re very transparent about what to do and we have never had any contact with the ICC,” dagdag pa na kalihim.

Sa kabila ng mga ulat tungkol sa posibleng pakikipagtulungan sa ICC, iginiit ni Remulla na walang direktang komunikasyon na naganap. Gayunpaman, kinilala niya na maaari pa ring makipagtulungan ang Pilipinas sa mga pandaigdigang tribunal ayon sa batas.

Si Duterte, na nagpatigil sa pagiging miyembro ng ICC noong 2019, ay nahaharap sa kasong crimes against humanity dahil sa umano’y extrajudicial killings na nauugnay sa kanyang kampanya kontra droga.

Ayon sa opisyal na tala, mayroong 6,200 napatay mula 2016 hanggang 2021, ngunit ayon sa mga human rights groups, posibleng umabot ito sa 30,000. RNT