MANILA, Philippines – Inamin ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones nitong Miyerkules, Hulyo 30, na siya ang mambabatas na nasa viral na litrato habang nanonood ng video ng sabong sa plenary hall ng Kamara.
Ngunit giit niya, hindi ito e-sabong at wala siyang alam sa online gambling.
“So nagkataon lang na nag-message yung aking pamangkin at may nag-iinvite na sumali ako sa kanilang tradisyunal na pa-sabong. So tinitignan ko. Hindi naman e-sabong kaya ang tawag ko nga ay fake news. Gusto nilang magpakita yung manok na kanilang ipakikita,” ani Briones.
“Malinis ang konsensiya ko. Hindi naman ako nagsasabong. Ako, hindi mo ako makikita sa kahit sa sabungan. At fake news. Online sabong sinasabi. Ni wala akong G-Cash. Ni wala akong money transfer na online,” dagdag pa ni Briones.
Paliwanag niya, ipinadala lamang ng kanyang pamangkin ang link sa isang tradisyunal na pa-sabong kaya niya ito pinanood.
Bagamat may mga kongresistong nanawagan ng paghingi ng tawad mula sa “sabong” watcher, iginiit ni Briones na ang dapat humingi ng dispensa ay ang photographer.
“Ang dapat mag-sorry dyan yung kumuha. Nilagyan agad niya ng online sabong, nanonood ng online sabong. Eh hindi naman tooto, hindi naman niya ako kinausap,” aniya.
Gayunpaman, sinabi ni Briones na pinatawad na niya ang photographer at hindi na magsasampa ng kaso, pero umaasang humingi ito ng tawad sa harap ng Kongreso.
“”Pinatatawad ko na, hindi ko na siya papaylan ng kaso pero humingi naman siya ng dispensa dito sa aming Kongreso. Nakakahiya,” dagdag pa niya.
“Kung sinuman ang gumawa sa akin noon, sinong nag-video, gumawa ng fake news na ako’y nanonood o nago-online sabong, hindi ko alam ang iyong motibo. Pero tapos na ito. Pinaliwanag ko lang ‘yung parte ko. Kung anuman ang motibo mo, pinatatawad na kita. Ang akin lang, ‘wag mo na uulitin kasi baka sa susunod, makulong ka na.” RNT