Home HOME BANNER STORY Solon pinarerekomenda sa NSC kay PBBM: POGO ideklarang nat’l security threat!

Solon pinarerekomenda sa NSC kay PBBM: POGO ideklarang nat’l security threat!

MANILA, Philippines – HINIKAYAT ni Senator Risa Hontiveros ang National Security Council (NSC) na irekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ideklara bilang national security threat ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

“Nu’ng patapos na ‘yung kabuuan ng executive session, isang panawagan sa National Security Council na i-angat na kay presidente itong usapin ng POGO bilang national security threat,” ayon kay Hontiveros sa isinagawang executive session ng Senate women, children, family relations, and gender equality kasama ang mga ahensiya ng gobyerno.

“Hopefully ay diniggin ng NSC ang aming panawagan at diniggin din ni Presidente na pag-aralan ang POGO kung ito ba ay national security threat at kung ‘yan ang mabuong opinyon ay sana umaksyon si presidente laban sa POGOs,” ayon sa senadora.

Si Hontiveros, Senate Deputy Minority Leader, nanguna sa ilang imbestigasyon sa human trafficking cases na iniuugnay sa POGO operations, muling inulit ang kanyang panawagan sa Pangulo na I-ban ang industriya sa Pilipinas at nagpahayag na “What are they waiting for?”

Naniniwala si Hontiveros na ito na ang tamang panahon para sa NSC na ibigay ang posisyon nito sa POGO.

Tinuran ng senador na naging malakas ang basehan na ideklara ang POGO bilang national security threat matapos ang executive session.

Maliban sa panawagan, sinabi ni Hontiveros na napag-usapan din sa closed meeting ang link analysis ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at ‘illegal revenue flows’ ng POGOs.

Sa kabilang dako, kasalukuyang iniimbestigahan ng Senate panel ang ginawang pagsalakay sa POGO hub sa Bamban, Tarlac.

Sa isa sa nakalipas na pagdinig, sinabi ni Hontiveros na ang POGO hub sa Bamban, Tarlac ay posibleng sangkot sa surveillance activities at maging ang hacking sa ilang government websites. RNT