Home NATIONWIDE Solon sa PNP: Mental fitness ng mga bagong parak, suriing mabuti

Solon sa PNP: Mental fitness ng mga bagong parak, suriing mabuti

MANILA, Philippines – Hinimok ng ilang mambabatas ang Philippine National Police (PNP) na suriin ang mental fitness ng mga tauhan nito matapos ang matinding galit na ipinakita ng isang pulis matapos ang naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang apela ay ginawa nina House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong at Deputy Majority Leader Paolo Ortega bilang reaksyon sa galit na ipinakita ni Patrolman Francis Steve Fontillas ng Quezon City Police District (QCPD) sa kanyang vlog matapos arestuhin si Duterte.

“The PNP has to make a very strong measure in determining the psychological capacity of all the recruits,” paliwanag ni Adiong sa isang pressconference sa Kamara.

Gayundin ang apela ni Ortega, aniya, dapat isaalang-alang ng PNP, National Police Commission (Napolcom), maging ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang katulad na ahensya, hindi lamang ang pisikal na kakayahan ng mga bagong pulis kundi pati ang kanilang mental na kalagayan.

Ani Adiong sa kanyang nakita sa vlog ni Fontillas ay tila may pinagdaraanan ito.

“Nakita ko ‘yung portion ng kanyang vlog, I guess something is troubling this guy . I mean it’s beyond his passion of vlogging. I think something is not right. Something is troubling. I hope he finds the help that he needs,” ani Adiong.

“On personal level, I think he needs some help,” dagdag pa ni Adiong.

Kapwa kinatigan din nina Adiong at Ortega ang pahayag ng mga opisyal ng PNP na ang mga pulis ay dapat manatiling hindi kampi sa anumang panig sa pulitika. Gail Mendoza