Home HOME BANNER STORY Transport strike isinagawa na ng MANIBELA mas maaga sa inianunsyo

Transport strike isinagawa na ng MANIBELA mas maaga sa inianunsyo

MANILA, Philippines – Isinagawa na ng transport group na MANIBELA ang jeepney strike sa Metro Manila ngayong Biyernes, bago ang nakatakda nilang tatlong-araw na protesta mula Marso 24 hanggang 26.

Nagtipon ang mga miyembro sa Monumento Circle, Caloocan City, habang nagbantay ang pulisya at mga opisyal ng trapiko.

Ayon kay MANIBELA leader Mar Valbuena, ang biglaang welga ay dulot ng pabago-bagong iskedyul ng dayalogo sa mga opisyal ng transportasyon.

“Sinimulan natin ang strike ngayong araw dahil sa pabago-bagong announcement ng schedule ng dayalogo. Noong Martes sinabi ng executive assistant na available daw sila, sabi naming available din kami. Sinabi nilang hindi available si (Transportation) Sec Vince Dizon. Sinabi nila na sa March 26 pa e alam nilang may nakakasang transport strike,” ani Valbuena.

Kahit may alok na pag-uusap mula sa gobyerno, itinuloy pa rin ng grupo ang kanilang protesta.

“Pag garahe pa lang ng Linggo, hindi na kami babyahe ng Lunes ng umaga, dire-diretso na po ito,” giit pa niya.

Nanawagan din sila ng pagbibitiw ng mga opisyal ng LTFRB dahil sa umano’y maling pahayag na 86% ng mga operator at drayber ng PUV ay sumali na sa modernization program.

Sinabi ng mga drayber mula Pasig at Paco-Nagtahan na susuporta sila sa welga, habang nanatiling maayos ang kilos-protesta sa Las Piñas. RNT