Home NATIONWIDE Imee kay Go: ‘Wag muna tayong mawalan ng pag-asa sa balik-Pinas ni...

Imee kay Go: ‘Wag muna tayong mawalan ng pag-asa sa balik-Pinas ni Digong

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Imee Marcos si Senador Bong Go na huwag mawalan ng pag-asa sa posibilidad ng pagbabalik ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas.

Ito ay matapos sabihin ni Go na maaaring huli na ang imbestigasyon ng Senado dahil nakakulong na si Duterte sa The Hague.

Ayon kay Imee, hindi dapat basta sumuko at binanggit ang matagal nilang laban mula nang ipatapon sa Hawaii ang kanyang amang si Ferdinand Marcos Sr. matapos ang EDSA Revolution noong 1986.

“Ang dali naman niyang sumuko. Huwag tayong su-surrender…Siyempre, naintindihan ko si [Senator Bong Go]. Alam ninyo napagdaanan namin ito. Deka-dekada naming pinaglalaban,” ani Sen. Imee.

“Kaya huwag tayong susuko agad baka maiuwi pa natin kung mapatunayan natin na mali-mali ang nangyari at kayang-kaya ng mga korteng Pilipino hatulan si Presidente Duterte, kaya niyang harapin dito sa atin ang paglilitis,” aniya pa.

Naniniwala siyang maaaring maibalik si Duterte kung mapatunayan na kaya ng mga hukuman sa Pilipinas na litisin ang kaso nito.

Ngunit mismong si Bise Presidente Sara Duterte ay nagpahiwatig na maaaring hindi na makabalik ang kanyang ama.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang giyera kontra droga. Siya ay ipinasok sa Scheveningen Prison sa The Hague noong Marso 13.