MANILA, Philippines – Nanawagan ang Department of Transportation (DOTr) sa NLEX Corporation na ipawalang-bisa ang toll fees sa mga lugar na apektado ng matinding trapiko dulot ng aksidente sa Marilao Interchange Bridge.
Iginiit ni DOTr Secretary Vince Dizon na hindi dapat maningil ng bayad habang isinasagawa ang pagkukumpuni, na maaaring tumagal ng dalawa hanggang tatlong linggo.
Aminado ang NLEX Corporation na bumagal ang trapiko sa lugar, umaabot ng pito hanggang walong kilometro tuwing rush hour.
Dalawang northbound lanes sa Marilao Interchange Bridge ang pansamantalang isinara matapos bumangga ang isang trak na hindi gumamit ng truck lane.
Sinabi rin ng NLEX na nakipag-ugnayan sila sa DPWH at lokal na pamahalaan tungkol sa pagbaba ng vertical clearance ng tulay dahil sa asphalt overlays. Gayunpaman, kapwa itinanggi ng dalawang ahensya ang kanilang hurisdiksyon sa tulay. RNT