Home NATIONWIDE Solong spokesperson sa WPS, iminungkahi ni Escudero

Solong spokesperson sa WPS, iminungkahi ni Escudero

MANILA, Philippines -Iminungkahi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na magtalaga ng nag-iisang spokesperson ang gobyerno sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa usapin ng territorial disputes sa West Philippines Sea (WPS).

Sa pahayag, sinabi ni Escudero na sa ganitong sistema, maiiwasan ang pagkalito at gulo hinggil sa sigalot taliwas sa ngayon na masyadong marami ang nagsasalita at nagbibigay ng reaksiyon sa isyu na bumabalot sa panghihimasok ng China sa ating teritoryo.

“Marahil ang pinakamagandang simula para dito ay pigilan muna ang iba’t ibang nagsasalita kaugnay sa issue na ito dahil kung mapapansin mo … nagsasalita ang Coast Guard, nagsasalita ang Secretary of National Defense, nagsasalita ang Chief of Staff, nagsasalita ang iba’t ibang tagapagsalita ng pamahalaan. Ang huli kong naririnig magsalita ay DFA (Department of Foreign Affairs),” aniya.

“Sana i-funnel nila sa isang tagapagsalita lamang kaugnay ng lahat ng issue na bumabalot sa West Philippine Sea pagdating sa posisyon, paniniwala, at gagawin ng executive branch upang sa gayon hind maging dahilan ito ng dagdag pang kaguluhan at pag-init sa issue na ito,” giit ni Escudero.

Naniniwala si Escudero na mareresolbahan ang lahat ng isyu sa pamamagitan ng diyalogo kaya hinikayat niya ang gobyerno at China na mag-usap upang maiwasang lumala ang sitwasyon sa WPS.

Nakatakdang ipatupad ng China sa Hunyo 15 ang bagong direktiba ng Beijing sa China Coast Guard na ikulong ang lahat ng trespassers sa kanilang hangganan.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo hindi katanggap-tanggap ang bagong alituntunin ng China dahil wala itong “legal basis.”

“What’s even more worrying is that it does not only affect the Philippines; theoretically, it will affect every country in the world,” giit ni Manalo.

Sa unang bahagi ng Mayo, binomba ng CCG ng water cannons ang dalawang Philippine Coast Guard na nagdadala ng humanitarian mission sa West Philippine Sea.

Palaging nanghihimasok ang China sa teritoryo ng Pilipinas kahit nagwagi ang Maynila sa kasong isinampa nito sa Permanent Court of Arbitration in The Netherlands noong July 12, 2016, na may exclusive sovereign rights ang bansa a West Philippine Sea at ibinasura ang “nine-dash line” ng China. Ernie Reyes