Home HOME BANNER STORY Sotto: Ethics complaint tamang hakbang sa pagkuwestiyon sa matagal na pagliban ni...

Sotto: Ethics complaint tamang hakbang sa pagkuwestiyon sa matagal na pagliban ni Sen. Bato

220
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang tamang paraan para kuwestiyunin ang matagal na pagliban ng mga senador ay ang pagsasampa ng ethics complaint.

Ipinaliwanag niya na walang “no work, no pay” rule para sa mga mambabatas ayon sa mga patakaran ng Senado at sa Konstitusyon.

Lumabas ang pahayag na ito dahil sa pagliban ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na hindi dumadalo sa plenary sessions simula noong Nobyembre 11 at walang ibinibigay na pampublikong dahilan.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, walang no-work-no-pay policy sa Senado. Ang kailangan lang ay pormal na abiso kapag hindi makakadalo sa session o budget hearing.

Dahil sa pagliban ni Dela Rosa, si Gatchalian ang napilitang dumepensa sa budget ng Department of National Defense (DND) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sabi ni Sotto, “Walang ganung rules sa legislators… kahit sa constitution.” Dagdag niya, kung may gustong managot na mambabatas, puwedeng mag-file ng ethics complaint para mapag-usapan ito.

Pinagdudahan din ni Sotto na maaaprubahan ng Senado o Kamara ang anumang panukala para sa no-work, no-pay scheme, dahil hindi raw ito naging praktis kahit noong mga nakaraang Kongreso.

Aniya pa, may mga kongresista noon na halos isang taon hindi pumapasok pero walang reklamo, kaya hindi raw dapat isyu ang 2–3 linggong pagliban.

Nang tanungin kung tuloy pa rin ang sahod ni Dela Rosa, sagot ni Sotto ay “Siyempre. Allotted na ’yun.”

Kinumpirma rin ni Sotto na wala pa silang natatanggap na komunikasyon mula kay Dela Rosa, pero operational pa rin ang opisina nito at nagpapatuloy ang trabaho ng mga staff. Wala ring budget cut sa opisina ng senador kahit absent ito, dahil tuloy ang mga gawain ng opisina kahit wala ang senador mismo. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here