Home NATIONWIDE Sotto: Pagpapatalsik kay Mayor Guo sa NPC Tarlac tatalakayin ng partido

Sotto: Pagpapatalsik kay Mayor Guo sa NPC Tarlac tatalakayin ng partido

Kuha ni Cesar Morales l Remate File Photo

MANILA, Philippines- Magpupulong ang provincial council ng National People’s Coalition (NPC) sa Tarlac upang talakayin ang mga suhestiyong patalsikin si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo mula sa partido, ayon kay NPC chairman at dating Senate president Vicente “Tito” Sotto III ntiong Miyerkules.

“Governor Susan will be meeting with the Tarlac mayors to discuss the updates,” pahayag ni Sotto.

Karamihan sa mga alkalde ng Tarlac ay mga miyembro ng NPC, ayon kay Sotto.

Nauna nang sinabi ng NPC chairman na magdedesisyon ang national council ng partido base sa rekomendasyon ng NPC Tarlac.

Noong nakaraang buwan, iminungkahi Senator Sherwin Gatchalian ang pagtanggal kay Guo mula sa partido na kinabibilangan din niya sa gitna ng mga alegasyon na sangkot umano ang alkalde sa criminal activities na iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kanyang munisipalidad.

Si Guo ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado sa gitna ng  pagkakadawit niya sa  operasyon ng Zun Yuan Technology Incorporated, isang POGO entity na sinalakay noong Marso dahil sa umano’y ilegal na mga aktibidad sa loob ng Baofu Land Development Inc. compound na matatagpuan sa likod ng Bamban Municipal Hall.

Isa si Guo sa incorporators ng Baofu, base kay Senator Risa Hontiveros batay sa inilahad na mga dokumento ng Securities and Exchange Commission (SEC).

Matatandaang sinabi ni Gatchalian na nakakuha ang kanyang opisina ng kopya ng Sangguniang Bayan resolution na may petsang Setyembre 2020 na naglalaman sa pagpayag ng konseho sa aplikasyon ni Guo, na noo’y isa pang pribadong mamamayan, para sa lisensya ng Hongsheng Gaming Technology Inc.

Sinalakay ang Hongsheng noong Pebrero 2023. Ginamit ang parehong compound ng Zun Yuan Technology nang salakayin ito sa Baofu compound noong Marso 2024.

Naghain si Guo ng kandidatura bilang independent candidate sa May 2022 polls at lumahok sa NPC matapos manalo. RNT/SA