Home METRO Mga residenteng lumikas mula sa pagsabog ng Mt. Kanlaon nagsisiuwian na

Mga residenteng lumikas mula sa pagsabog ng Mt. Kanlaon nagsisiuwian na

MANILA, Philippines- Unti-unti nang nagbabalikan ang mga residente sa Western Visayas (Region 6) at Central Visayas (Region 7) na lumikas kasunod ng pagsabog ng Mt. Kanlaon, sa paghupa ng aktibidad ng bulkan.

Umakyat ang bilang ng mga apektadong indibidwal sa dalawang rehiyon sa 2,088 (605 pamilya), batay sa pinakabagong monitoring ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules, Hunyo 5.

Sa bilang na ito, mayroong 1,407 indibidwal (419 pamilya) na nananatili sa 11 evacuation centers habang ang 177 katao (45 pamilya) na piniling makisilong sa mga kaanak o kaibigan ay inasitihan din ng mga awtoridad.

“’Yung areas affected are slowly recovering. Mayroong konting families na nasa inside evacuation centers but the reports that were reported as of 4 p.m. yesterday (Tuesday), mayroong LGUs na nakareport na umuwi na,” ayon sa isang opisyal sa panayam.

Nagdeklara na ng state of calamity sa munisipalidad ng La Castellana sa Negros Occidental at sa Canlaon City sa Negros Oriental.

Nakapagbigay naman ang NDRRMC ng halos P1.3 milyong tulong, kabilang ang food at non-food items, sa mga biktima ng kalamidad. RNT/SA