Home HOME BANNER STORY ‘Spaghetti wires’ sa NCR aayusin ng MMC

‘Spaghetti wires’ sa NCR aayusin ng MMC

MANILA, Philippines – HANDA ang Metro Manila Council (MMC) na magpalabas ng mga ordinansa laban sa mga “spaghetti wires” kasunod ng mga insidente ng mga nabunot na poste ng kuryente dahil sa gulu-gulo at gusot na mga kable ng electrical at telecommunications, upang maiwasang maulit ang mga ganitong insidente.

Ayon kay MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora na ang konseho, na binubuo ng mga alkalde ng 16 na lungsod at nag-iisang munisipalidad sa National Capital Region (NCR), gayundin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ay makikipag-ugnayan sa mga kumpanya ng telco at electric power providers upang ayusin ang tinatawag na “spaghetti wires” na nagdudulot ng malubhang panganib sa mga residente.

Nabatid na may umiiral nang ordinansa laban sa mga spaghetti wires ang lokal na pamahalaang Lungsod ng San Juan kung saan nilagdaan ni Mayor Zamora noong Pebrero 2021 ang isang memorandum of agreement (MOA) sa mga utility company sa pag-regulate ng pag-install ng mga wire at cable sa lungsod.

Ang nabanggit na kasunduan ay humantong din sa paglikha ng isang joint executive-legislative task force na naglalayong tiyakin na ang mga wire at cable mula sa mga utility company ay maire-regulate at masusubaybayan upang maiwasan ang mga aksidente tulad ng electrocution, sunog, obstruction, gayundin upang maiwasan ang pagkasira ng tanawin ng lungsod at protektahan ang mga historical landmarks nito.

Ang task force ay nilikha bilang tugon sa City Ordinance No. 65, Series of 2020 o ang “Anti-Dangling Wire Task Force Ordinance of San Juan.”

Ang mga spaghetti wire ay nagdudulot din ng mga panganib sa sunog dahil ang mga lumalaylay na mga kable ay maaaring madikit sa mga bahay na maaaring humantong sa sunog.

Sinabi ng power distributor ng Meralco na nagsimula na itong makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs), telcos, at cable companies para ayusin ang kani-kanilang mga kable. Jay Reyes