MANILA, Philippines – SINABI ng National Security Council (NSC) na walang “red-tagging” content ang pamphlets na ipinamahagi sa isang seminar sa Taytay Senior High School sa Rizal.
Sa isang kalatas, pinasinungalingan ng NSC ang alegasyon ng Kabataan and ACT Teachers party-lists na ang pamphlets ay naglalarawan sa mga estudyante at raliyista bilang mga terorista dahil sa pagsalungat o pagtutol sa ilang polisiya ng pamahalaan.
“A careful perusal and review of the said pamphlets will easily prove that there is no ‘red-tagging’ in the said materials. Nowhere in the said materials does it characterize rallyists as terrorists,” ayon sa NSC.
“It merely informed the students of the modus operandi of recruiters of the New People’s Army (NPA) which is factual and based on evidence,” dagdag na wika nito.
Para naman sa NSC, layon ng seminar na ipabatid sa mga estudyante ng Taytay Senior High School sa Rizal ang mga pahiwatig o “red flags” na ginagamit ng mga communist rebel group organizers para sila ay ma-recruit, alinsunod ito sa Rizal Provincial Resolution No. 03, series of 2023.
“We strongly deny any accusations of ‘red-tagging,’” ayon sa NSC.
Ang pamphlet ay ipinamahagi sa mga mag-aaral bilang bahagi ng civic education program ng militar para mapalawak ang kaalaman ng Kabataan tungkol sa mga banta sa pambansang seguridad, at panganib mula sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), na isang “designated” terrorist organization ng Pilipinas at iba pang mga bansa. Kris Jose