MANILA, Philippines- Bilang hakbang sa paggunita ng nalalapit na Undas ay pinaigting ng Southern Police District (SPD) ang seguridad at kaligtasan ng publiko na bibisita sa kani-kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa iba’t ibang sementeryo at columbaria na nasasakupan ng distrito.
Sinabi ni SPD director Brig. Gen. Bernard Yang na nakikipag-ugnayan na ang SPD sa mga lokal na pamahalaan pati na rin sa mga volunteers upang mapaigitng ang seguridad ng bawat mamamayan sa paggunita ng Undas sa Southern Metro Manila.
Ayon kay Yang, gumagawa na rin ng nararapat na hakbang ang SPD upang mabigyan ng solusyon ang inaasahang bigat na daloy ng trapiko pati na rin ang mabawasan ang mangyayaring aksidente sa mga lugar na kinaroroonan ng mga sementeryo.
Aabot sa kabuuang 2,627 personnel ang itatalaga sa 26 semeteryo, 20 columbaria, key border points, at mayoryang transport hubs tulad ng bus terminals, MRT/LRT stations, at paliparan.
Kabilang sa ipatutupad na hakbang para sa seguridad ng publiko ay ang paglalagay ng checkpoints, anti-crime operations, foot at mobile patrols, tactical motorcycle units, at quick response team ng SWAT at EOD-K9 units.
Magtatalaga din ang SPD ng mga naka-standby na medical teams na mag-aalok ng agarang tulong sa mga nangangailangan.
“Public safety is our top priority,” said SPD District Director PBGen Bernard R Yang. “We encourage everyone to remain alert and report any suspicious activities to the nearest police station or assistance desk. By working together, we can ensure a peaceful and safe Undas celebration,” pagtatapos ni Yang. James I. Catapusan