MANILA, Philippines – Humiling si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa Department of Justice (DOJ) na kanselahin ang pasaporte ni dating Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co na iniimbestigahan dahil sa umano’y iregularidad sa mga proyekto ng public works.
Sa panayam ng dzMM, kinumpirma ni Dy na nakipag-ugnayan siya kay dating Justice Secretary at ngayo’y Ombudsman Jesus Crispin Remulla upang mapigilan ang pagbiyahe ni Co sa ibang bansa.
“I told him that if possible, let’s pursue the fastest way to cancel his passport to restrict his movements,” ayon kay Dy.
Si Co, dating chair ng House appropriations committee, ay sinasabing sangkot sa umano’y overpriced flood control projects na konektado sa kanyang kompanyang Sunwest Inc. Kasama umano niya si dating Speaker Martin Romualdez sa pagmamaniobra ng mga iregular na alokasyon sa 2025 national budget.
Paliwanag ni Dy, bagama’t ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang may kapangyarihang magkansela ng pasaporte, maaaring tumulong ang DOJ sa pamamagitan ng Bureau of Immigration upang mapabilis ang proseso.
Ayon kay Dy, kung babalik sa bansa si Co, ang DOJ o ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang hahawak ng kaso.
Nagbitiw si Co sa puwesto noong Setyembre 29, dahilan ang umano’y pagpapagamot sa Estados Unidos, bagaman sinabi ni Dy na may ulat na nasa Europa na siya ngayon.
Bago pa man ang kanyang pagbibitiw, nagsampa si Navotas Rep. Toby Tiangco ng ethics complaint upang ipaliwanag ni Co ang mga alegasyon ng katiwalian.