Home HOME BANNER STORY Speaker Dy sa mga mambabatas: Magkaisa, magbigay ng pag-asa ngayong Pasko

Speaker Dy sa mga mambabatas: Magkaisa, magbigay ng pag-asa ngayong Pasko

241
0

MANILA, Philippines – Sa pagsisimula ng Disyembre, nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa lahat ng mga mambabatas na magkaisa, itabi ang mga personal na interes, at magbigay ng pag-asa sa publiko.

“Ngayong papalapit ang Pasko—hinihikayat ko kayong lahat: Magpakatatag. Maging liwanag. Maging tulay ng pagkakasundo. Maging dahilan ng pag-asa,” sinabi ni Dy sa flag raising ceremony sa Kamara.

Aniya, sa gitna ng “darkness of chaos, doubt, and misinformation” ay ang panahon upang magpakita ng ‘conviction.’

Hinimok din nito ang mga mambabatas na huwag maapektuhan sa mga nakikita nila sa social media.

“Hinihikayat ko kayo: huwag nating hayaang maapektuhan tayo ng mga naririnig o nababasa sa social media. Kayang-kaya nating baguhin ang imahe ng institusyong ito sa pamamagitan ng tapat, masipag, at makabuluhang paglilingkod,” ani Dy.

Kasalukuyang nahaharap ang Pilipinas sa kabi-kabilang isyu ng korapsyon sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa maanomalya at mga ghost flood control projects kung saan nadawit pa rito ang ilang miyembro ng Kamara.

Samantala, siniguro naman ni Dy sa mga empleyado na darating ang panahon na hindi na sila mahihiya na sila ay bahagi ng Kongreso.

“Hindi na magtatagal ang bawat isa sa inyo ay makakapaglakad ng taas-noo, dahil kabahagi kayo, at tayong lahat, sa pagbabagong ating sama-samang isinusulong,” anang Speaker.

“Hindi tayo titigil hanggang hindi natin maabot ang mataas na kalidad ng ating serbisyo at makabigay tayo ng dignidad sa ating institusyon,” dagdag pa niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here