MANILA, Philippines- Pinagpapaliwanag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero si Special Envoy on Transnational Crime Markus Lacanilao sa pamamagitan ng isang show cause order, kung bakit hindi siya pwedeng kasuhan ng contempt sa pagsisinungaling at umiiwas na tugon sa imbestigasyon ng Senado.
Sinabi ni Escudero na ipinalabas ang show cause order nitong Biyernes matapos palayain si Lacanilao na naunang ipinakulong ng Senate committee on foreign relations nang walang due process.
Ayon kay Escudero, kailangang sumagot si Lacanilao sa loob ng limang araw pagkatapos matanggap ang kalatas kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng contempt na inirekomenda ng naturang komite.
Iniimbestigahan ng Senado ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11 na pinaniniwalaan ng ilang senador kabilang sina Senador Alan Peter Cayetano, Imee Marcos, Ronald “Bato” Dela Rosa at Bong Go na pawang ilegal.
Nakakulong ngayon si Duterte sa detention cell ng International Criminal Court sa The Hague sa kasong crimes against humanity hinggil sa war on drugs na ikinamatay ng libong indibidwal kasama ang ilang menor-de-edad.
“Ambassador Lacanilao is hereby ordered to show cause within a period of five days from receipt of this order why he should not be ordered arrested and detained at the Office of the Sergeant-at-Arms,” ayon kay Escudero.
Inatasan din ni Escudero ang OSAA na mag-ulat sa Office of the Senate President sa loob ng 24 oras matapos maisilbi ang show cause order kay Lacanilao.
“This show cause order is a necessary step to ensure accountability and reinforce the principles of transparency and justice that guide our work,” ayon kay Escudero.
Inihayag ni Escudero na magdedesisyon siya kung ipaaaresto o hindi si Lacanilao kapag nakapagsumite ito ng tugon sa show cause order.
Sa ginanap na pagdinig nitong Huwebes, kinasuhan ng contempt si Lacanilao ng komite hinggil sa pagsisinungaling umano sa pag-aresto kay Duterte.
Kaagad inaprubahan ni Marcos ang mosyon ni Dela Rosa na i-contempt ang embahador ngunit bago pa man tumagal sa loob ng detention cell ng Senado, pinalaya siya ni Escudero.
Hindi nilagdaan ni Escudero ang contempt order laban kay Lacanilao saka kinastigo ni Marcos sa paggamit ng Senado para sa personal na atake at pamumustura sa politika.
Ayon kay Escudero, hindi nabigyan ng due process si Lacanilao na siyang ibinabandila ni Marcos hinggil sa pag-aresto kay Duterte. Ernie Reyes