Home NATIONWIDE Special non-working days idineklara ni PBBM sa 19 lugar ngayong Hunyo

Special non-working days idineklara ni PBBM sa 19 lugar ngayong Hunyo

3
0

MANILA, Philippines – Nagdeklara si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng special non-working days sa 19 na lugar sa bansa ngayong buwan ng Hunyo kaugnay ng pagdiriwang ng kani-kanilang anibersaryo, charter day at mga lokal na pista.

Sa inilabas na abiso ng Malacañang sa pamamagitan ni Executive Secretary Ralph Recto, saklaw ng mga proklamasyon ang isang lalawigan, apat na lungsod at 14 na munisipalidad.

Kabilang sa mga idineklarang special non-working day ang Hunyo 15 sa Angeles City para sa paggunita sa anibersaryo ng pagputok ng Mt. Pinatubo sa ilalim ng Proclamation No. 1293.

Sa parehong araw, ipagdiriwang naman ng Buguey, Cagayan ang ika-430 Founding Anniversary nito sa bisa ng Proclamation No. 1294.

Sa Hunyo 16, special non-working day sa Dumalinao at Molave sa Zamboanga del Sur, Pamplona sa Negros Oriental, Pili sa Camarines Sur, La Trinidad sa Benguet, San Miguel sa Surigao del Sur at Iligan City para sa kani-kanilang mga anibersaryo at lokal na selebrasyon.

Samantala, Hunyo 17 naman ang special non-working day sa Bindoy, Negros Oriental para sa pagdiriwang ng Charter Anniversary nito.

Idineklara rin ang Hunyo 18 bilang special non-working day sa Barlig, Mountain Province kaugnay ng ika-60 Founding Anniversary ng bayan.

Sa Hunyo 20, magkakaroon ng special non-working day sa Lipa City, Batangas para sa ika-79 Cityhood Anniversary nito at sa Guinayangan, Quezon para sa Founding Anniversary ng munisipyo.

Special non-working day rin sa Socorro, Oriental Mindoro sa Hunyo 22 para sa pagdiriwang ng Founding Anniversary nito.

Sa Hunyo 23, idineklara rin ang special non-working day sa Batac City, Ilocos Norte para sa ika-19 Charter Anniversary nito.

Samantala, Hunyo 24 ang special non-working day sa buong lalawigan ng Masbate para sa Bagat-Dagat Festival at sa bayan ng Caba, La Union para sa Founding Anniversary nito.

Sa Hunyo 25 naman, magdiriwang ng kanilang Founding Anniversary ang mga bayan ng Calanasan sa Apayao at Sabangan sa Mountain Province kaya idineklara rin itong special non-working day.

Ayon sa Malacañang, layunin ng deklarasyon na mabigyan ng pagkakataon ang mga residente na ganap na makilahok sa kanilang mga lokal na pagdiriwang. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here