MANILA, Philippines – Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maglalabas ito ng mga espesyal na permit para payagan ang mga awtorisadong public utility vehicle (PUV) na bumiyahe sa mga rutang walang consolidated jeep.
“’Pag talagang walang dumadaan, we issue what we call special permits… And normally we get the jeeps from the neighboring routes kung saan katabi nung walang nag-consolidate,” ani LTFRB chairperson Teofilo Guadiz.
Mahigit isang linggo mula nang matapos ang deadline ng consolidation sa ilalim ng Public Transport Modernization Program ng gobyerno, sinabi ng mga jeepney driver at commuter na patuloy silang nahaharap sa mga hamon sa kalsada
Sinabi ng LTFRB na 81% o mahigit 160,000 jeepneys ang nakapag-consolidate ng kanilang mga prangkisa. Sinabi nito na sapat na ang bilang para makapagsilbi sa commuters sa bansa.
Samantala, sinabi ng ahensya na nagsimula na itong mag-isyu ng show-cause order sa mga hindi nag-consolidate para ipaliwanag ang kanilang pagkabigo na sumunod sa deadline ng gobyerno. Bibigyan ng limang araw ang mga apektadong driver at operator para tumugon.
Gayunman, muling iginiit ng LTFRB na ang mga tradisyunal na jeepney ay pinapayagan pa ring mag-operate ng hanggang tatlong taon hangga’t ito ay roadworthy pa rin.
Sinimulan noong 2017, layunin ng modernization program na palitan ang mga jeepney ng mga sasakyan na mayroong hindi bababa sa Euro 4-compliant na makina upang mabawasan ang polusyon. Layunin din nitong palitan ang mga unit na hindi itinuturing na roadworthy sa pamantayan ng Land Transportation Office. Santi Celario