Home OPINION SSS BUWANANG KONTRIBUSYON, TATAAS HANGGANG 15% NGAYONG ENERO 2025

SSS BUWANANG KONTRIBUSYON, TATAAS HANGGANG 15% NGAYONG ENERO 2025

AYON sa Social Security Commission (SSC), naka-iskedyul na ang pagtaas ng buwanang kontribusyon ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) ngayong taon kaya tinitiyak ng ahensya na pangmatagalang o long-term viability sa pension fund nito at tataas pa ang mga benepisyo na matatamasa nila at ng kanilang mga benepisyaryo.

Magiging epektibo na nga­yong Enero 2025 ang itinakdang pagtaas sa kontribusyon ng mga miyembro at employer ng Social Security System (SSS) na aabot hanggang 15 porsyento.

Ang pagtaas ng buwanang kontribusyon ay alinsunod sa probisyon ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Ayon dito, magkakaroon ng isang porsyento o 1% na pagtaas sa kontribusyon kada dalawang taon simula 12 porsyento noong 2019 hanggang umabot ito ng 15 porsyento sa 2025.

Simula ngayong buwan, ang bahagi ng employer ay magiging 10 porsyento, habang ang kontribusyon ng empleyado ay mananatili sa 5 porsyento.

Paliwanag ng SSS, ang mga pagbabago ay dinisenyo upang palakasin ang State insurance company, at magbigay ng mas magagandang benepisyo at pang­matagalang seguridad sa pananalapi para sa lahat ng miyembro.

Noong 2022, sinabi ng SSS na ang mas mataas na kontribusyon mula sa mga miyembro at employer ay nagresulta sa pagpapalawig ng buhay ng pondo hanggang 2054.

Ang buhay ng pondo ay orihinal na inaasahang tatagal lamang hanggang 2032, matapos ang Php 1,000 na pagtaas sa pensyon na ipinatupad noong 2017.

Umaasa ang pamunuan ng SSS na sana makita ng mga mi­yembro na ang mas mataas na buwanang kontribusyon ang kanilang maiipon para sa kani­lang savings at kaligtasan laban sa hinding inaasahang pagkakasakit, pagbubuntis, kapansanan, kawalan ng trabaho, pagtanda, kamatayan, at iba pang mga ka­dahilanan na nagreresulta sa pagkawala ng kita o pinansiyal na pasan para sa kanila at ang kanilang mga benepisyaryo. Uma­ni ng magkakaibang opin­yon mu­la sa publiko ang pagtataas ng buwanang kontribusyon.

Maaaring makita ang upda­ted na iskedyul ng kontribusyon na nagpapakita ng unti-unting pagtaas mula 2021 hanggang 2025, bisitahin lamang ang SSS Contribution Table sa website ng SSS, www.sss.gov.ph