Home NATIONWIDE SSS ‘di nag-ambag sa Maharlika Fund – ex-SSS president

SSS ‘di nag-ambag sa Maharlika Fund – ex-SSS president

MANILA, Philippines – Sinabi ni dating Social Security System (SSS) President at CEO Rolando Ledesma Macasaet nitong Sabado, Enero 4 na ang SSS ay hindi nag-ambag ng kahit isang sentimo sa Maharlika Fund sa gitna ng mga ulat na ang pagtaas sa SSS premium na kontribusyon ay sinadya upang mapunan ang halaga ng state-run pension fund na ibinigay sa Maharlika Investment Fund.

“Ang pagtaas ng kontribusyon sa SSS premium ay ibinigay ng isang batas na ipinasa noong 2019 na nagtatakda ng pagtaas ng premium sa 2020, 2023 at 2025. Ito ay bago ang aking termino bilang SSS President,” sabi ni Macasaet, na nagbitiw sa SSS noong Oktubre 2024 upang tumakbo bilang partylist representative ng SSS – GSIS Pensyonado Partylist.

Sinabi pa nito na ang Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018 ay nag-uutos sa SSS na taasan ang kontribusyon nito kada dalawang taon sa huling pagtaas sa 2025.

Nauna rito noong 2019, ang rate ng kontribusyon ay itinakda sa 12 porsiyento, noong 2021 ay tumaas ito sa 13 porsiyento at tumaas sa 14 porsiyento noong 2023.

Idinagdag pa nito na ang rate ay paghahatian ng employer at ng empleyado. Para sa 15 percent contribution rate ngayong taon, 10 percent ang sasagutin ng employer, habang ang empleyado ang magbabayad ng natitirang 5 percent.

Kaugnay nito sinabi ni Macasaet na maaaring suspindihin ng Malacanang ang pagpapatupad ng R.A. 11199 kung may mga isyu ang mga miyembro ng SSS para sa pansamantalang suspensiyon nito.

“Nanawagan kami sa Malacanang na hilingin sa SSS Board na pansamantalang suspindihin ang pagpapatupad ng anumang pagtaas ng premium. Ang SSS ay nagkaroon ng kita na mahigit ₱80 Billion noong 2023 at banner year na mahigit ₱100 Billion ang kita para sa 2024. Ang pansamantalang pagsususpinde o unti-unting pagpapatupad ng Social Security Act of 2018 ay hindi magpapabigat sa ating mga masisipag na miyembro ng SSS at hindi makabuluhang nakakaapekto sa buhay ng pondo ng SSS,” sabi pa ni Macasaet. Santi Celario