MANILA, Philippines – ARESTADO ang isang lalaki na hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot makaraan itong makumpiskahan ng halagang P204,000 ng iligal na droga nitong gabi ng Biyernes, Enero 3 sa Barangay Niugan sa lungsod ng Cabuyao, Laguna.
Kinilala ni PLt. Rexpher Gaoiran, hepe ng Cabuyao City Police Station ang suspek na si Alyas Mark, nasa hustong gulang, residente ng nabanggit na lugar.
Base sa report na isinumite sa Laguna Police Provincial Office, ganap na alas-8:00 ng gabi nang magkasa ng buy-bust operation matapos na magpanggap na posuer buyer ang isang pulis, kapalit ang marked money na humantong sa pagkaaresto sa nasabing suspek.
Narekober sa suspek ang walong pirasong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 30 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng P204,000, gayundin ang ginamit nitong motorsiklo sa pakipagtransaksyon sa iligal na operasyon. Nakuha rin sa suspek ang marked money.
Samantalang ang suspek na pansamantalang nakakulong sa Cabuyao City Police Station ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ).
Mas pinaigting ng Laguna PNP ang mga operasyon laban sa iligal na droga upang matiyak ang seguridad, kaayusan at kapayapaan sa buong lalawigan ng Laguna kung saan hindi umano biro ang dalang panganib at masamang epekto ng iligal na droga. Ellen Apostol