INANUNSYO ng Social Security System (SSS) na maaaring mag-aplay ng calamity loan ang mga miyembro nitong naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at ng malakas na lindol sa Cebu.
Ang pagbubukas ng calamity loan ay tugon sa direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., at ni Department of Finance secretary at Social Security Commission chairperson Ralph Recto na magbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga biktima ng kalamidad.
Mayroong interes na 7 porsiyento kada taon ang nasabing pautang, at maaaring umabot sa Php 20,000 ang halagang maaaring hiramin.
Sinabi ni SSS president at chief executive officer Robert Joseph de Claro na hangad ng pamunuan na mabilis ang maging pagbangon ng mga miyembrong naapektuhan ng mga bagyo at paglindol sa pamamagitan ng isang abot-kayang loan program.
Maaaring mag-aplay ang mga miyembro sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account, at ididirekta ang loan proceeds sa kanilang enrolled disbursement account kapag naaprubahan.
Ang mga kwalipikadong miyembro ay:•
Nakatira o nagtatrabaho sa lugar na idinagdag sa State of Calamity;
•May hindi bababa sa 36 monthly contributions, kung saan anim (6) ay naipasa sa loob ng huling 12 buwan bago mag-file ng loan;
•May aktibong My.SSS account;
•Walang past due o restructured loans;
•Hindi nakatanggap ng final benefit;
•May edad na hindi lalampas sa 65 taong gulang;
•at Hindi nadiskwalipika dahil sa pandaraya laban sa SSS.
Para sa mga employed members, kinakailangang updated ang kanilang employer sa SSS contributions at loan remittances. Bukod sa Cebu, saklaw din ng Calamity Loan Program ang mga miyembro sa mga lalawigang tinamaan ng mga bagyong Mirasol, Nando, at Opong, gayundin ng pinalakas na Habagat.
Mahigit 85 lungsod at bayan sa Ilocos Norte, Cagayan, Oriental Mindoro, Romblon, Masbate, Aklan, at Maguindanao del Sur ang idineklara sa ilalim ng State of Calamity.
At iyan ang mahalagang balitang mula sa SSS para sa ngayong araw na ito.






