Home NATIONWIDE SSS sa Maharlika co-investing: Pondo ‘di ipapasok sa ‘high-risk investments’

SSS sa Maharlika co-investing: Pondo ‘di ipapasok sa ‘high-risk investments’

MANILA, Philippines – SINABI ni Social Security System (SSS) President at CEO Rolando Macasaet na walang plano ang pension fund na maglagay ng pera sa high-risk investments.

Winika ni Macasaet na posible para sa SSS na mamuhunan sa mga proyekto kung saan nag-invest din ang Maharlika Investment Corporation (MIC), subalit ang state-run pension fund ay maglalagay lamang ng pera sa tingin nito ay “potentially profitable” at umiiral na mga proyekto.

“Whatever Maharlika invests in, if we feel we can invest, we can also invest. There are projects that we can invest in. There are projects we can’t invest in,” ayon kay Macasaet.

Iginiit pa ni Macasaet na ang SSS ay may mahigpit na alituntunin kung saan ito mamumuhunan.

“Pension fund kami. Hindi kami development fund, emphasize ko yun. Ang pera ng SSS hindi ko pwede ilagay sa mga high risk investments,” pagtiyak ni Macasaet.

Sinabi naman ni SSS Commissioner Diana Pardo-Aguilar na ang anumang proyekto na lalagyan ng pondo ng SSS ay dapat na pag-aralang mabuti.

“We have to exercise extraordinary diligence in the performance of our investment functions,” ayon kay Pardo-Aguilar “The SSS charter requires a company to have a 3-year profitability track record for the pension fund to invest in it.”

Sinabi naman ni Macasaet na magsasagawa sila ng ‘brownfield investment’ o mag- invest sa umiiral ng proyekto, sa halip na sa ‘greenfield investment’ kung saan magtatayo pa lamang ng bagong proyekto.

Isang halimbawa na tinukoy nito ay kung imbitado siyang mamuhunan sa umiiral na expressways, na mas magiging mabuti kaysa sa mamuhunan sa soon-to-be-constructed toll road.

Samantala, unang kinalampag ang SSS at GSIS na maging capital sources ng MIC, subalit sa kalaunan ay hindi isinama ang mga ito kasunod ng pagtanggi ng ilang sektor na nagsabi na masyadong mapanganib para sa state-run pension funds na mamuhunan sa bagong korporasyon. Kris Jose