MANILA, Philippines -Nailipat na ang mga transmission devices, solar panels at mga baterya na gagamitin sa May 12 elections na nakitang inilagak sa mga bahay sa Brgy. Buhangin, Davao City.
Ito ay makaraang maiulat at makatanggap ng mga katanungan ang Commission on Elections (Comelec) sa naging agam-agam ng mga botante at umano’y posibleng pagkakaroon ng dayaan sa halalan.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), ang naturang kagamitan mula sa iOne Resources joint venture sa Arden Networks, Inc ay dinala na sa mga Comelec offices sa lalawigan, lungsod at bayan sa buong Davao region.
Muli namang nilinaw ng Comelec na ang lahat ng Starlink Devices, solar panels at baterya ay para lamang sa transmission at walang kinalaman sa mga makina at programa sa pagbabasa ng mga balota at pagbibilang ng mga boto.
Ayon pa sa Comelec, ito ay walang Election Program o Software na makakaapekto sa paggamit ng mga Automated Counting Machines (ACMs) at Consolidation and Canvassing Systems (CCS) pati na sa kabuuan ng Election Management System (EMS).
Dagdag ng Comelec, mahigpit na binantayan ito ng Philippine National Police kasama ang kinatawan ng political parties at iba pang stakeholders ang deployment ng mga kagamitan.
Noong Sabado, sinabi ng Comelec na walang nakikitang iregularidad ang komisyon sa paglalagak ng Starlink at Solar Panels ng iOne Joint Venture sa mga bahay sa Davao City dahil ang naturang lugar ay isa sa kanilang staging hub.
Pansamantalang inilagak ang mga kagamitan bago ang pinal na delivery nito sa mga Offices of the Election Officet (OEOs) sa mga karatig na bayan, lungsod pati sa buong lalawigan. Jocelyn Tabangcura-Domenden