MANILA, Philippines- Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. na idineklara ang state of calamity sa lima pang lalawigan kasunod ng pananalasa ng southwest monsoon na pinalakas ng bagyong Carina,
Sa isinagawang ‘situation briefing on Carina’ kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni Abalos na maliban sa mga lungsod sa National Capital Region (NCR), idineklara na rin ang state of calamity sa Bataan, Bulacan, Batangas at Cavite.
Idineklara rin ang state of calamity sa Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Nauna rito, sinabi ni Abalos na ang Kabacan, Cotabato; Pikit, Cotabato; Butuan, Davao de Occidental, at ilan pa ay isinailalim din sa state of calamity.
Iniulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Huwebes ng umaga, Hulyo 25 na tumaas sa 14 ang bilang ng mga nasawi bunsod ng epekto ng southwest monsoon o Habagat at Tropical Cyclones Carina at Butchoy.
Base sa 8 a.m. report ng NDRRMC, walong katao ang kumpirmadong namatay sa Zamboanga at bawat isa sa Northern Mindanao, Davao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Kalakhang Maynila.
Sa ngayon ay bineberipika pa ng NDRRMC ang ulat na may limang katao ang nasawi sa Calabarzon at isa sa Bangsamoro.
“Habagat, Carina, and Butchoy affected a total of 1,115,272 people or 245,298 families in all regions in the country except in Eastern Visayas,” ayon sa kahalintulad na NDRRMC report.
Sa mga apektadong populasyon, 51,726 katao o 12,199 pamilya ang nananatili sa evacuation centers habang 578,158 indibidwal o 116,878 pamilya ang nanuluyan naman sa ibang shelter sa ibang lugar.
May kabuuang 292 bahay ang nasira kung saan 216 ang partially at 76 ang totally damaged dahil sa masamang panahon.
Umabot naman sa halagang P9,706,852 ang nasira sa agrikultura at P6,560,000 naman ang napinsala sa irrigation facility. Para sa imprastraktura, ang napaulat na pinsala ay P793,551.
Araw pa rin ng Huwebes, sinabi ng power distributor Manila Electric Company (Meralco) na 400,000 customers ang hanggang sa ngayon ang walang suplay ng kuryente sa mga lugar na apektado ng y Super Typhoon Carina at malakas na Habagat.
Sinabi ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga sa isang panayam na ang elektrisidad ng 324,000 customer ay “deliberately disconnected due to severe flooding” sa mga sumusunod na lugar:
Bulacan
Valenzuela
Mandaluyong
Marikina
Pasay
Quezon City
Rizal






