MANILA, Philippines – Idineklara ng pamahalaang lokal ng Tarragona, Davao Oriental ang state of calamity matapos ang magnitude 7.4 at 6.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Manay noong Oktubre 10, 2025.
Ayon sa LGU, humigit-kumulang 10,000 pamilya ang naapektuhan, at 2,000 residente ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation center. Marami pa rin ang takot bumalik sa kanilang mga bahay dahil sa patuloy na aftershocks.
“Lisod gyud… gamay’ng linog, dagan… wala mi kasabot… walay mga trabaho kay unsaon man… panawagan nako unta naay makatabang sa amo,” ani Leigh Pogio, isa sa mga evacuee.
Patuloy namang namimigay ng food packs at bottled water ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong residente. Naglaan din ang LGU ng ₱3 milyon mula sa Quick Response Fund para sa mga relief operation.
Ayon kay Mayor Kaka Bulaong, isinagawa na sa open space ang mga operasyon ng pamahalaang bayan matapos ideklarang delikado at hindi na maaaring okupahan ang municipal building at evacuation center.
Nagtalaga rin ang lokal na pamahalaan ng 16-ektaryang relocation site para sa mga nawalan ng tirahan. “May na-acquire na tayong lupa, nasa 16 hectares… may pag-uusap na po ang DHSUD, NHA, at LGU para sa pagpapatayo ng mga bahay,” dagdag ni Bulaong. Santi Celario