MANILA, Philippines – INAPRUBAHAN na ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila sa kanilang unang regular na sesyon ang resolusyon sa deklarasyon ng State of Health Emergency sa lungsod, gayundin ang Ordinance No. 8773 na nagbibigay ng General Tax Amnesty sa mga delingkwenteng buwis.
Ito ang inihayag ni Manila Vice Mayor Chi Atienza na nagsilbing namumuno at Presiding Officer ng 13th City Council of Manila.
Matatandaan na hiniling ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga bumubuo ng konseho ng Maynila na ipasa ang State of Health Emergency sa lungsod bunsod ng napakalaking problema ng basura sa lungsod na maaaring makaapekto sa kalusugan ng mga bata gayundin sa mga senior citizen.
Bukod dito ay hiniling din ni Domagoso na ihain ang nasabing tax amnesty upang maengganyo na magbayad ng kani kanilang mga buwis ang mga delingkwente at makatulong upang magkaroon ng laman ang kaban ng bayan.
Kaugnay nito, sa makasaysayang unang pag-upo bilang Bise alkalde ng Maynila ni Atienza, nanawagan ito ng pagkakaisa at inklusibong pamumuno sa pagbubukas ng sesyon ng Sangguniang Panlungsod.
Nagpasalamat din ang bise alkalde sa tiwala ng mga Manileño at sinabing handa siyang magsilbi nang may malasakit at katapatan.
Inalala rin niya ang panahon noong siya’y bata pa at nanonood lamang sa sesyon sa tabi ng kanyang ama na si dating Mayor Lito Atienza kung saan , ngayon ay siya na mismo ang namumuno bilang Presiding Officer ng Konseho.
Kabilang sa kanyang mga adbokasiya ang kapakanan ng mga senior citizen, PWDs, solo parents, LGBTQIA+, Muslim communities, manggagawa, at kabataan.
Kasabay nito, ipinahayag niya ang buong suporta sa mga plano ni Mayor Isko Moreno na ibalik ang pangunahing serbisyo tulad ng pabahay, edukasyon, kalusugan, at trabaho sa mga mamamayan.
Sa pagtatapos ng kanyang unang sesyon, pinuri si Vice Mayor Atienza dahil sa maayos at matatag nitong pamumuno, na hudyat ng panibagong yugto para sa lungsod ng Maynila. JAY Reyes