Home HOME BANNER STORY State visit ni PBBM sa Japan, nagpakita ng matibay na ugnayan ng...

State visit ni PBBM sa Japan, nagpakita ng matibay na ugnayan ng dalawang bansa

53
0

MANILA, Philippines – HIGIT pa sa mga pulong at seremonyang diplomatiko, ipinakita ng State Visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lalim ng pagkakaibigan at matibay na samahan ng Pilipinas at Japan na nabuo sa paglipas ng maraming taon.

Kasabay ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa ngayong taon, naging mainit ang pagtanggap kina Pangulong Marcos at First Lady Louise Araneta-Marcos ng Imperial Family.

Ayon kay Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, mahalaga ang pagbisitang ito dahil ipinakita nito ang matatag at malapit na relasyon ng dalawang bansa.

“Kaya napakahalaga nitong pagbisita natin… Talagang napaka-overwhelming nung reception nila kagabi (Wednesday) sa ating Pangulo at ating Unang Ginang. They were received by their Imperial Highness, the Emperor and the Empress,” ani Gomez.

Sinabi rin ni Gomez na pangalawang State Visit at State Banquet pa lamang ito na inihost ng Emperor ng Japan mula nang matapos ang pandemya.

“At nakakatuwang panoorin ang Pangulo at ang Emperor kagabi (Miyerkules)) dahil makikita mo kung gaano na kalalim yung bond, yung relationship nilang dalawa na developed through the years, through mutual shared experiences,” dagdag niya.

Ayon pa kay Gomez, makikita ang magandang samahan nina Pangulong Marcos at Emperor Naruhito dahil sa matagal na nilang pagkakakilala at mga karanasang pinagsaluhan, kabilang ang koneksyon nila sa Oxford University sa United Kingdom.

Naging tampok din sa pagbisita ang halo-halo matapos regaluhan ni Pangulong Marcos si Emperor Naruhito ng malaking baso at kutsara para sa halo-halo, matapos malaman na paborito umano ng Emperor ang naturang pagkaing Pilipino.

Sinabi ni Gomez na ipinatikim pa umano ng Emperor ang halo-halo sa ibang miyembro ng Imperial Family, kabilang ang mga royal children, na nagustuhan din ito.

“Pagkatapos nung state banquet, bago kami umalis, kasama ng ibang mga opisyal ng Gabinete ng Pangulo, pinakita pa ng Emperor. Mayroon siyang dinukot na mga litrato, mga picture niya ng halo-halo. Talagang nagustuhan nila yung ating halo-halo,” ani Gomez.

Bukod sa mga seremonyal na aktibidad, naging abala rin ang Pangulo sa mga high-level meeting tungkol sa kalakalan, imprastraktura, depensa, maritime security, enerhiya, at regional stability.

Ayon kay Gomez, hindi lamang seremonyal ang mga foreign trip ng Pangulo dahil nagdadala rin ito ng benepisyo sa bansa sa pamamagitan ng dagdag na investments, development cooperation, at mas matibay na strategic partnership sa Japan.

“So yung mga ganitong foreign trips, hindi lang ito puro ceremonial. Marami talagang naibabalik na benepisyo para sa ating bansa. Ngayong araw na ito (Miyerkules), punong-puno ang schedule ng ating Pangulo,” ani Gomez. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here