IKINANDADO ng munisipalidad ng Sta. Maria Bulacan ang isang planta na gumagawa ng mga steel angle bars matapos mapatunayang lumabag sa environmental regulations at iba pang local at pambansang batas kapaligiran.
Sa isang direktiba iniutos ni Mayor Bartolome “Omeng” R. Ramos, na may petsang Agosto 8, 2024, ang suspensiyon ng operasyon ng Hightension Industrial Corporation, dahil sa reklamong inihain ng environmental NGO SEEDS PH matapos mag-operate nang walang updated na environmental clearance certificate (ECC) at mga pahintulot na magpatakbo ng mga pasilidad sa pagkontrol ng polusyon.
Nagsumite rin ang SEEDS PH ng mga patunay sa alkalde na ang Hightension ay nagbebenta at gumagawa ng mga substandard na angle bar gamit ang lipas na at nakakasira sa kapaligiran na induction furnace, na ipinagbawal na sa China at isang bayan sa Pampanga dahil sa matinding epekto nito sa kapaligiran at kalusugan ng mga nakapaligid na komunidad .
Nabatid na ang mga opisyal ng Sta. Maria, matapos ihatid ang cease and desist order sa Hightension, ay naglagay din ng tarpaulin sa gate nito na nagbibigay ng abiso na ang “establishment ay iniutos na sarado dahil sa mga sumusunod na paglabag sa batas sa kalikasan, kapaligiran at iba pang environmental law.
Kaugnay nito iniutos din ng alkalde ng Sta Maria Bulacan na pansamantalang suspindihin ang business operation ng naturang pabrika epektibo at agad ipatupad at ang pagbalewala sa naturang kautusan ng munisipyo ay maaaring gumawa ng legal na aksyon ang local na pamahalaan hinggil dito ayon kay Ramos.
Samantala pinuri ni SEEDS PH Secretary General Dona Cristino si Ramos at ang iba pang matataas na opisyal ng Sta. Maria para sa mabilis na pagkilos sa kanilang reklamo laban sa Hightension, “na nagpapakita ng kanilang malakas na political will sa pagprotekta sa kapaligiran at sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.”
“Umaasa tayo na ang ibang mga lokal na opisyal at ang ating pambansang pamahalaan, lalo na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Trade and Industry (DTI), ay sundan ang mga yapak ni Mayor Ramos at gumawa ng mga mapagpasyang aksyon laban sa mga establisyimento na nag-o-operate. nang walang pagsasaalang-alang sa kapaligiran at kalusugan ng publiko,” sabi ni Cristino.
Nauna nang nanawagan ang SEEDS PH sa mga local government units at concerned regulators na ipagbawal ang paggamit ng mga obsolete at environmentally destructive induction furnaces (IFs) sa steel smelting at production, katulad ng ginawa sa China at Pampanga.
Nabanggit ni Cristino na ang mga IF ay nagsimulang pumasok kaagad sa Pilipinas matapos silang i-ban ng Beijing noong 2017 dahil sa sanhi ng malawakang polusyon sa hangin sa China.






