MANILA, Philippines – Bilang tugon sa suhestyon ng senador na magkaroon ng processing center sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para masiguro na dadaan sa mahigpit na security measures ang mga VIPs (very important persons), sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) nitong Biyernes, Agosto 9 na mayroon nang plano para rito.
Ayon kay MIAA General Manager Eric Ines, target niya na gawing site para sa general aviation processing ang NAIA Terminal 4, kung saan ipoproseso ang lahat ng mga darating at aalis na mga pasaherong VIP.
“Definitely we could not do this overnight as we are looking at many possible loopholes. But we will have this soon, probably by mid next week,” sinabi ni Ines sa panayam ng Philippine News Agency.
Ani Ines, kailangang masusing pag-aralan ang proseso ng paglalagay ng processing center sa paggigiit na hindi nila maaaring ikandado ang mga private hangar.
“The terminal will remain as a domestic terminal. An area in Terminal 4 will have an X-ray and will be manned by Immigration and Customs personnel 24/7,” sinabi pa ng opisyal.
Sa pagdinig kamakailan, sinabi ni Senador Raffy Tulfo kay Ines na dapat ay magkaroon ng center kung saan ipoproseso ang mga private at chartered planes.
Iginiit ni Tulfo na ang mga VIP passenger ay nakakasakay ng eroplano nang direkta at hindi na dumadaan sa karaniwang inspection process. RNT/JGC