Home NATIONWIDE SEC nagbabala sa ‘BBM’ firm

SEC nagbabala sa ‘BBM’ firm

MANILA, Philippines – Nagbabala sa publiko ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa kompanya na nanghihikayat ng mga potential investor Kahit walang kaukulang permit at idinudugtong pa ng pangalan nito sa initials ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nitong Sabado, Agosto 10, sinabi ng SEC na binawi na ang corporate registration ng Bagong Bansang Maharlika (BBM) International Inc. noong Nobyembre 2023 dahil sa illegal investment solicitation.

Ayon sa corporate watchdog, nangongolekta ang BBM International ng membership fees sa mga residente ng mga lokal na komunidad at nangangako ng pagkain, libreng edukasyon, libreng hospitalization, at cash assistance sa mga Filipino edad isang taong gulang at pataas.

Gumagamit din ang kompanya ng mga larawan ni Marcos sa marketing materials nito, “creating a false impression that its programs are legitimate and sanctioned by the current administration.”

Binawi ng komisyon ang permit ng kompanya noong Nobyembre 2023, o tatlong buwan matapos itong warningan ng SEC.

Sa kabila nito, napag-alaman na nagpapatuloy pa ring aktibo ang BBM International sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao sa kabila ng revocation order.

Sa ilalim ng Section 28 ng Republic Act No. 8799, o Securities Regulation Code, mahaharap sa multang P5 milyon at pagkakulong na hanggang 21 taon ang nagbibenta ng securities nang walang kaukulang permit. RNT/JGC