Home METRO Stepdad kulong sa mga video ng naliligong anak-anakan

Stepdad kulong sa mga video ng naliligong anak-anakan

San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan – Arestado ang isang stepfather matapos mabisto ng kinakasama na puro hubad na video ng musmos niyang anak ang nasa cellphone nito.

Kinilala ang suspek na si alyas Jude, 33, funeral helper, habang ang biktima ay isang 12 anyos na babaeng itinago sa pangalang Yanna kapwa residente ng Brgy. Sapang Palay.

Sa report ng SJDM police station, nangyari ang insidente bandang 12:50 ng madaling araw nitong Enero 30 at 5:40 ng umaga nitong Pebrero 5 sa kanilang tinutuluyang compound sa Brgy. Sapang Palay habang nai-report sa kanila bandang 9:12 ng umaga ng Pebrero 12.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, naiwan ang cellphone ng suspek nang pumasok ito sa kanyang trabaho na nakita at pinakialaman ng kanyang kinakasama.

Dahil sa pagkamausisa ng kinakasama ay aksidenteng nabuksan ang cellphone ng suspek hanggang sa tumambad ang mga video ng kanyang anak na naliligo sa CR.

Agad humingi ng saklolo sa barangay ang mag-ina na rumesponde sa lugar kaya nahuli ang suspek at kalaunan ay isinuko sa pulisya.

Sinasabing ang suspek ay ikinulong na dahil sa iba pang kasong kinasasangkutan habang nahaharap pa sa kasong paglabag sa RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act. Dick Mirasol III