CAVITE, Philippines – Natagpuang patay ang isang 33-anyos na babaeng street vendor sa loob ng kaniyang apartment sa Barangay 58-A, San Roque, Cavite City.
Ayon sa Cavite City Police Station, nadiskubre ang biktima dakong alas-12 ng hatinggabi. Agad na nagtungo sa lugar ang mga pulis kasama ang duty investigator upang kumpirmahin ang insidente.
Pagdating sa apartment, nakita ang biktima na wala nang buhay at nakaupo sa kaniyang kama.
Batay sa imbestigasyon, maghapon siyang nagtitinda sa harap ng San Roque Church. Bandang alas-7 ng gabi, nagpaalam siya sa kaniyang nobyo na uuwi muna dahil sa matinding pananakit ng tiyan.
Makalipas ang ilang oras, nagtungo ang nobyo sa apartment upang dalhan siya ng pagkain ngunit hindi na ito tumutugon. Humingi siya ng tulong sa mga opisyal ng barangay at ipinaalam ang insidente sa mga kaanak ng biktima.
Napag-alaman din na nakararanas umano ng pananakit sa paa ang biktima.
Wala namang nakitang foul play ang pulisya. Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay upang matukoy ang tunay na sanhi ng kaniyang pagkamatay. MARGIE BAUTISTA