MANILA, Philippines – Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa mga kriminal na nagpapanggap na delivery at motorcycle taxi riders para makagawa ng robbery, holdap at iba pang street crimes.
Iniutos ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga police commander na tutukan ang mga suspek na gumagamit ng rider uniforms, delivery boxes at iba pang gamit ng motorcycle delivery upang makalusot sa mataong lugar.
“We are intensifying our crackdown against criminals posing as legitimate delivery and motorcycle taxi riders to commit robberies, hold-ups, and other street crimes,” ani Nartatez.
Nagbabala ang PNP matapos ang isang insidente ng ambush sa isang babae sa Makati, kung saan iniulat na isa sa mga suspek ay nakasuot ng unipormeng ginagamit ng isang ride-hailing app.
Ayon sa pulisya, nakatutulong ang rider uniforms para hindi agad mapansin ang mga suspek habang gumagalaw sa mataong lugar.
Sinabi ni Nartatez na karaniwang tumataas ang street at petty crimes habang papalapit ang holiday season, lalo na sa mga mall, palengke, terminal at iba pang matataong lugar.
“We are always one step ahead of these criminals,” ani Nartatez, habang iniutos ang mas pinaigting na police visibility laban sa snatching, pickpocketing, salisi at holdapan.
Makikipag-ugnayan din ang PNP sa mga ride-hailing company at riders’ group upang mapigilan ang paggamit ng mga pekeng uniform, delivery box at iba pang identifying gear.
“Our goal is not only to protect the public and communities, but also the integrity and dignity of legitimate delivery and motorcycle taxi riders who are on the streets every day to earn an honest living,” dagdag ni Nartatez.
Hinimok ng PNP ang publiko na agad ireport ang mga kahina-hinalang taong nagpapanggap na delivery o motorcycle taxi riders. RNT/MDS