Home NATIONWIDE Substitution sa kakandidato hihigpitan ng Comelec

Substitution sa kakandidato hihigpitan ng Comelec

MANILA, Philippines – Kinokonsidera ng Commission on Elections (Comelec) na hindi payagan ang substitution kapag magwiwithdraw ang isang kandidato lagpas sa Oktubre 8, 2024 na deadline para sa paghahain ng kandidatura para sa midterm elections sa susunod na taon.

Sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na irerekomenda niya ang panukala sa pulong ng poll body en banc noong Miyerkules.

Idinagdag pa ni Garcia na ang bagong patakaran ay bahagi ng kanilang tungkulin bilang isang constitutional body at naglalayong itigil ang panlilinlang sa mga botante.

“Kaya po ang ating pagkukumbinsi sa Commission en banc, hindi na natin papayagan ang substitution kung ang dahilan ay pagwi-withdraw, maliban na lang po kung ang dahilan ay kamatayan o disqualification,” paliwanag ni Garcia.

Sinabi ni Garcia na ang pagpapalit hanggang sa araw ng halalan ay papayagan lamang kung ang kapalit na kandidato ay may parehong pangalan ng pamilya at kabilang sa parehong partidong pulitikal.

“Naka-usap na po natin mga kasamahan natin sa Commission en banc and they fully agree sa aking position sapagkat sabi nila, dapat na mahinto ‘yang mga ganyang klaseng mga panglalanse, panlilinlang sa ating mga kababayan”, sabi ni Garcia.

Dagdag pa niya, hindi dapat mag-alinlangan o gumamit ng ganitong taktika ang mga talagang gustong maglingkod at tumakbo sa botohan.

Sa 2022 presidential elections, ang pagpapalit para sa isang kandidato ay pinapayagan hanggang Nob. 15, higit sa isang buwan pagkatapos ng Oktubre 8, 2021 na deadline para sa paghahain ng mga certificate of candidacy (COCs). Idinagdag ni Garcia na hindi saklaw ng substitution ang mga independyenteng kandidato.

Lahat ng national at local candidates para sa May 12, 2025 national at local elections ay maaring maghain ng kanilang COCs mula sa Oct.1 hanggang 8.

Ang mga tatakbo sa Senado ay kailangang maghain ng kanilang COC sa Comelec main office sa Intramuros, Manila o sa isang lugar na itatakda ng poll body, habang ang mga lokal na kandidato ay maaaring maghain sa mga lokal na tanggapan ng Comelec kung saan sila nakabase. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)