Home HOME BANNER STORY Sugatan sa Israel-Iran conflict, umakyat na sa 8

Sugatan sa Israel-Iran conflict, umakyat na sa 8

MANILA, Philippines – Umakyat na sa walo ang bilang ng mga Pilipinong nasugatan sa nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, ayon sa Philippine Embassy sa Tel Aviv.

Sa ulat nitong Hunyo 20 ng alas-11 ng gabi, pitong Pilipino na ang na-discharge mula sa ospital matapos magtamo ng minor injuries. Isa naman ang nananatili sa ICU matapos sumailalim sa major pulmonary surgery dahil sa matinding pinsala.

“She is still in the ICU and will need to undergo another surgery once stable,” ayon sa embahada.

Aabot naman sa 88 Pilipino ang nawalan ng tirahan matapos tamaan ng missile, kabilang ang isang sanggol na isinilang noong Hunyo 10. Kasalukuyan silang naninirahan sa pansamantalang tirahan.

Ayon sa embahada, 191 Pilipino ang una nang nagpahayag ng kagustuhang ma-repatriate, ngunit 26 lamang ang nakumpirmang tuluyang uuwi at kasalukuyang pinoproseso.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega sa panayam ng DZBB na inaasahang makakauwi ang 26 Pilipino ngayong weekend.

Dahil suspendido ang mga commercial flights, pinapayuhan ang mga Pilipino na tumawid muna sa border patungong Jordan bago bumiyahe pauwi ng Pilipinas.

Ngunit aminado si De Vega na maraming OFW ang nag-aalangan pa ring umuwi.

“Ang problema po, kakaunti lang talaga ang gustong umuwi dahil ang number one tinatanong nila, ‘Kung uuwi kami, makakabalik ba kami?’ Hindi namin maga-guarantee ‘yan, kasi kailan matatapos ang gulo?”

Nanawagan si Senador Raffy Tulfo, chair ng Senate committee on migrant workers, sa mga Pilipino sa Israel at Iran na lumikas na habang maaari.

“Bagamat ang alert level na ito ay hindi pa nangangahulugang puwersahang paglikas at voluntary repatriation pa lamang, mas makabubuting lumisan patungo sa mas ligtas na lugar o magpa-repatriate na para sa inyong kapakanan at kaligtasan,” ani Tulfo.

Tiniyak din ng pamahalaan na handa itong tumulong sa mga OFW na uuwi sa bansa.

Ayon sa ulat ng Reuters, nagpalitan ng bagong opensiba ang Israel at Iran nitong Sabado, kasunod ng pagtanggi ng Tehran na makipagnegosasyon habang sila’y nasa banta, habang sinisikap ng Europa na buhayin ang peace talks. RNT/JGC